Kamatayan lang ba ang nag-iisang sukatan ng tunay na nasyonalismo ng isang indibidwal? Ang ating pambansang bayani, si Jose Rizal, ay binaril ng mga Kastila noong Disyembre 30, 1896, ngunit ang pagkamatay niya ba ang pangunahing dahilan ng kaniyang kadakilaan? Ang sagot dito ay hindi. Si Jose Rizal ay maituturing na isa sa mga pangunahing tauhang naghudyat ng pagrebulto ng sambayanang Pilipino sa mga Kastila. Ang rebolusyon laban sa Kastia ay hindi naganap sa isang tulog lamang, kundi isa itong mahaba at gradwal na proseso. Mga librong Noli at El Fili ni Rizal ay unti-unting naghugis ng kultura at pag-iisip ng mga Pilipino, kaya siya’y tinuturing bilang utak ng rebolusyon, at dahil dito, kinikilala natin si Rizal bilang ang Ama ng Philippine Nationalism.
Gayunman, naniniwala akong ang pagsulat ng mga libro ni Jose Rizal ay maituturing na magiting dahil namulat niya ang pag-iisip ng mga Pilipino noon. Naunawaan at napagkasunduan ang pag-iisip ni Rizal sa karamihan ng mga Pilipino noon. Ang mga Katipunero at si Rizal ay may katulad na pagtingin at kaisipan ukol sa pagiging nasyonalismo, kung kaya ay naging matagumpay ang rebolusyon. Ayon pa kay Benedict Anderson, ang konsepto ng “bansa” ay maaaring hindi katulad sa bawat indibidwal. Ayon kay Anderson, ang nasyon ay isang ‘kathang pamayanang pulitikal’, kung kaya hindi maiiwasang magkaroon ng iba’t ibang pag-unawa ang tao tungkol sa konsepto ng bayan. Kaya’y pag-isipan natin: maaari bang husgahang mali ang depenisyon ng bansa ng isang indibidwal dahil lamang ito ay hindi katulad sa opinyon ng karamihan? Masasagot natin ito sa pamamagitan ng pagsuri ng dulang Romulus D’ Grayt ni Friedrich Dürrenmatt.
Ang dulang Romulus D’ Grayt ay isang ‘unhistorical historical’ absurdist play, na pinaguusapan ang pamahalaan ni Romulus Augustus, ang huling emperador ng Roma, sa pamamagitan ng isang maikling kwento. Ang pagbagsak ng Roma, sa katunayan, ay epekto ng paghahari ni Romulo, ngunit ipinakita sa dula na ito ay ang totoong layunin ng emperador. Hindi tumpak na representasyon ito ng tunay na pangyayari. Ang tagpuan at sanggunian sa kulturang popular ay naging mga makbuluhang elementong tumulong sa pagkamit ng ‘suspension of disbelief’, at sa pagpapakita ng pagiging kathang-isip ng dula.
Sa halip na mga skulptura ng mga nakaraang emperador and mga nakatanghal sa likod ng prinsipal na entablado, ito’y pinalitan ng mga itlog. Naging mistulang isang malaking manukan ang Roma, at ito’y nag-aambag sa kahangalan ng dula. Higit pa rito, sanggunian sa kulturang popular tulad ng hoverboard na ginagamit ni Mr. Techy, ang kantang On The Wings Of Love at Mr. Right, ang mga sayawing Ney ney, at ang modernong kasuotan na ginamit tulad ng UP toga ni Apollonya ay mga halimbawa ng mga stilo ng direktor upang maipahayag ang pagiging hindi makasaysayan ng dula. Ang dula ay masasabing hindi makatotohanan dahil tagumpay ito sa pagmali ng konsepto ng oras at espasyo, sa pamamagitan ng paghalo ng iba’t ibang kultura sa iisang tagpuan. Ang kulturang popular ay ginamit hindi lang upang magbigay ng komedya, kundi ay itinatatag ang kahangalan ng dula, sa pamamagitan ng pagtanggal ng dalawang mahalagang aspekto ng sangkatauhan: oras at spasyo.
Ang isang karaniwang tema ng dula ay kabaliwan at pagkasira ng ulo, na maaaring ikumpara sa dula ni Shakespeare: Hamlet. Romulo, ang pangunahing tauhan, ay ipinakitang isang hindi maaasahang emperador. Sa oras ng digmaan at panahon ng kaguluhan, ang manukan lamang ang naging sentro ng kanyang pag-isip. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing baliw si Romulo. Subalit, katulad ni Prinsipeng Hamlet sa dulang Hamlet, ang pagiging baliw at pagkasira ng ulo ay mapagtalunan. Nalaman natin sa banda huli ng dula na plano pala talaga ni Romulo ang pagbagsak ng Roma, kaya baliw ba talaga si Romulo kung sadya niya ito ginagawa?
Bilang isang tunay na Atenista, “depende” ang sagot ko dito. Depende ito sa intensyon ni Romulo kung bakit niya isinira ang kanyang sariling bansa. Sa Act IV natin mapagtanto ang pag-iisip ni Romulo tungkol sa Roma. Ang Roma ay puno na ng kasamaan, at sa mata ni Romulo ay hindi na ito kayang maisalba pa. Ang pinakahusay na solusyon para sa kinabukasan ng Roma ay ipatumba ito, upang makabangon muli ito nang mas maayos. Ito ay masasabing may hawig sa pelikulang Watchmen, kung saan ang superhero-turned-villain na si Ozymandias ay may parehong pagtingin. “I’ve made myself feel every death… see every innocent face I’ve murdered to save humanity.”, ang sabi ni Ozymandias habang ipinagtatanggol ang kanyang desisyong bombahin ang mga ulong-bayan.
(eksena sa pelikula: https://youtu.be/G3CYN7_Aa7E?t=2m50s)
Ang kilos at salita ni Romulo ay patunayan sa kanyang pagmamahal sa Roma, at ang kanyang pagkamakabansa. Ang siping “sacrifice millions to save billions” ng pelikang Watchmen ay maikukumpara sa isipan ni Romulo na ang pagtumba ng Roma ay isang sakripisyo upang umunlad ang mundo. Samakatuwid, naniniwala ako na si Romulo ay hindi sa katunayan sira ang ulo, at siya ay isang magiting at makabayan na modelo sa dula.
Masasabi nating ang dula ay sumasang-ayon sa konsepto ni Anderson ukol sa nasyonalismo – na ang bawat indibidwal ay may sariling paniniwala sa konsepto ng nasyonalismo dahil mayroon silang iba’t-ibang perspektibo sa kanilang bansa. Naniwala si Zeno na ang solusyon sa destruksyon ng Roma ay mobilisasyon. Madalas ikinukumpara ni Julia si Romulo sa mga magagaling na emperador na nauna sa kanya. Dahil dito, makikita natin na mahalaga para kay Julia ang kasaysayan upang masabing maganda ang isang bansa. Nakita nila Emiliano, Rea at marami pang iba ang limpak na kayamanang makukuha kapag iniligtas ang Roma. Nakita natin ito sa kanilang pagsasang-ayon sa alok ni CesarUp. Ayon sa mga tao, si Romulo ay baliw hindi dahil may sakit siya sa ulo, subalit dahil may iba siyang paniniwala kumpara sa ibang mga tauhan.
Datapwa’t, naniniwala akong itinuturing dakila si Romulo dahil siya lamang ang tanging nakakaintindi na ang pagkabansa ang humuhubog sa bayan. Ayon kay Benedict Anderson, ang isang bayan ay dapat hinuhubog ng sariling kultura dahil ang kultura ng isang bansa ay ang humuhubog din sa mga indibidwal. Nauunawaan ni Romulo ang kanyang bansa sa pinakapusong anyo. Ito ay kung saan ang bansa ay hindi nakasalalay sa kayamanan o pulitika. Nagpokus na lamang sa kanyang manukan si Romulo na sumisimbulo sa kultura ng kanyang bansa.
“A country that can be saved only by money is a lost country”, ito ay isang linyang galing sa orihinal na dula, at makikita pa rin natin ito sa adaptation ni Tenorio, nung tinanggihan ni Romulo ang panukala ni CesarUp. Hindi niya rin tinanggap ang solusyong kalabanin ang mga Teuton, nung tinanggihan niya ang ideya ni Zeno. Alam kasi ni Romulo na ang problema ng Roma ay hindi sa kakulangan ng kapangyarihan o kayamanan, kundi ang kakulangan sa pagkakakilanlan, at ang solusyon dito ay tumitig sa sariling kultura. Ang tema ng paghahanap ng pagbabago ay maaaring pangatawanan sa pamamagitan ng manok.
Dahil Romulo rin ang pangalan ng manok, ito ay isang representasyon ng intensyon at pagnanais ni Romulo. Tulad ni Romulo, umaasa rin ang manok na magkaroon ng bagong itlog. Sa bawat simula ng isang yugto, ay pinapakita ang pagsisikap ng manok upang makalatag ng bagong itlog. Subalit, palaging nagtatapos ang yugto na puno ng pagkabigo dahil wala pa rin itong nailalabas na itlog. Pero ano ba ang sinisimbolo ng itlog? Bakit ba ito pinapahalaga ni Romulo? Sa palagay ko, ang itlog ay representasyon ng bayan. Ang mga itlog na makikita sa paligid ng pandula ay maaaring iugnay sa skulptura ng mga nakaraang emperador na masasabing representasyon ng Roma sa kani-kanilang pamumuno. Ang proseso ng paghintay para sa pagluwal ng manok ng itlog ay maaaring representasyon ng pagnanais ni Romulo ng bagong simula, o bagong bayan. Binibigyang diin ito ng huling eksena kung saan sa wakas ay nailuwal na rin ang itlog. Nangyari lamang ito pagkatapos ng pagwasak ng Roma, at sa simula ng pagtaguyod ng Middle Ages ni Odoakro. Nabigo ang Roma, ngunit nagpatuloy pa rin ang pagprogreso ng mundo.
Balikan natin si Rizal. Sinulat niya ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Naimulat niya ang mga mata ng Pilipino sa korupsiyon at kawalan ng hustisya sa lipunan gamit ang kanyang mga libro. Dahil dito, ipinamahagi ni Rizal sa mga Pilipino ang isang bagay, kung saan handa silang magbuwis ng buhay nila para dito – ang nasyon. Ito ang tunay na bayani. Subalit hindi ba’t sinubukan rin ito gawin ni Romulo? Sinubukan niyang ipakita ang masakit na realidad na ang Roma ay hindi na kasing ganda ng dati. Hindi siya traydor kung hindi hukom ng Roma. Ang pinamumunuan niyang imperyo ay hindi na ang Romang kanyang nakilala at minahal. Sinakripisyo niya ang kanyang buhay para patumbahin ang maling kaisipan ng mga tao ukol sa Roma. Sa huli, sa lahat ng tauhan, si Romulo lamang ang mayroong bagay kung saan handa siyang magbuwis buhay para rito. Kaya sino ang tunay na baliw, si Romulo, o ang mundong bulag sa realidad at sa nosyon ng kabayanihan?